Usapang Tax para sa mga Online Sellers


Tulad ng ipinangako natin sa nauna nating article na 10 Pinoy Online Business Ideas na swak kahit may pandemic, tatalakayin naman natin ngayon ang mainit na usapin tungkol sa tax sa mga online sellers. Wala nang intro-intro diretso na tayo sa pagsagot sa mga katanungan ukol dito.

Kailangan ba talaga magbayad ng tax ng mga online sellers?

Online seller ka man o hindi, basta ikaw ay kumikita, merong presumption na ikaw ay nararapat magbayad ng tax. Sa ating batas, kung ikaw ay Pilipino at may source of income kahit saan pa galing yan, ikaw ay dapat magbayad ng tax kung ang iyong kinikita ay mahigit sa PHP250,000 sa loob ng isang taon. Halimbawa, kung ikaw ay nagbebenta ng siopao sa internet o online social media tulad ng Facebook at mga shopping sites tulad ng Lazada at Shoppee, at ang iyong kikitain sa loob ng isang taon ay higit sa PHP250,000, mayroon kang tax na babayaran.

Kung ang kita mo naman ay hindi lalagpas sa P250,000, hindi mo kailangang magbayad ng tax pero mas makabubuti na irehistro mo ang iyong online business para walang problema. Technically speaking kasi, kung ikaw ay mayroong negosyo pero hindi rehistrado, ikaw ay underground o nabibilang sa informal economy. Sayang naman ang mga benepisyo tulad ng exemption, government grant o support na maaari mong makuha kung hindi ka magre-rehistro. Mas mabuti na rin na meron kang peace of mind dahil hindi ka na mag-iisip na baka hulihin ka ng mga taga-gobyerno dahil "illegal" ang business mo.

Magkano ang babayaran na tax ng online sellers?

Depende yan sa kita mo bilang online seller. Kung mahigit sa PHP250,000 ang iyong kita sa loob ng isang taon, kailangan mong magbayad ng tax depende sa kung ano ang klasipikasyon mo. Kung ikaw ay sole proprietor at ang online selling lamang ang source ng income mo, meron kang dalawang pagpipilian:

Option 1: 8% Income Tax on Gross Sales

Option 2: Income tax based on Graduated Income Tax Rates

Kung Option 1: 8% Income tax on Gross Sales, i-compute mo lang yung 8% ng total na benta mo sa isang taon at yun na ang tax na babayaran mo. So, halimbawa ang total sales mo ay P300,000. 8% of P50,000 (P300,000 minus P250,000 non-taxable) is P4,000. Yan na yung babayaran mong income tax. Matik yung 8% kumbaga. Wala ka na ring babayaran na Other Percentage Tax o VAT. Note: Applicable lamang ang 8% gross income tax kung ang benta mo ay di lalampas sa P3,000,000 sa isang taon.

Kung Option 2 naman, kakailanganin mo tumingin sa graduated income tax rate. Merong tax table para diyan:

image credit: governmentph.com

(image credit: governmentph.com)

 

So kung ang benta mo ay P300,000, ang income tax na babayaran mo ay P10,000 (P50,000 x 20%). PERO, may posible kang bayaran pa na Other Percentage Tax (OPT) na 3% ng iyong benta. Ang OPT ay alternatibo sa normal sales tax na tinatawag nating Value Added Tax (VAT). Kung hindi lalampas sa P3,000,000 kada taon ang benta mo, hindi ka required magbayad ng VAT pero malamang subject ka sa OPT. So may dagdag ka pang P9,000 na babayaran. Bale P19,000 ang babayaran mo (P10,000 + P9,000) sa BIR.

But wait, there’s more! graduated tax rate ang ia-apply mo, pwede mo ring ibawas yung mga tinatawag na deductible expenses tulad ng halaga ng materyales na ginamit mo sa pagbuo ng produkto, yung halaga ng binayad mo sa FB ads, yung delivery expense mo sa pagde-deliver sa customer mo. So pwedeng yung P50,000 na taxable income mo ay mas mapababa pa at maging tax exempt ka pa. Ito ang dahilan kung bakit mas marami pa rin ang pinipili ang graduated tax kaysa 8%. Iminumungkahi na magpa-rehistro talaga sa BIR at simulang i-track ang iyong income at expenses na dapat suportado ng mga resibo na nakapangalan sa negosyo mo.

Kung empleyado ako at sideline ko lang itong online selling, kailangan pa rin ba akong magpa-rehistro?

Theoretically, oo. Pero hindi ako theoretical na siopao kaya yung praktikal ang ituturo ko sayo. Tantiyahin mo muna kung gaano ba kalaki ang kita mo sa online selling kumpara sa sweldo mo. Kung hindi naman kalakihan, wag na. Mapapamahal ka pa kung magpapa-rehistro ka pa para sa kaunting income mo mula sa iyong side hustle.

Pero kung medyo malaki na ang kinikita mo mula sa iyong online selling at patuloy pang lumalaki, baka dapat mo nang ireshitro yan bilang isang pormal na negosyo. Magiging mixed income earner ka na at kailangan mong mag-file na ng sarili mong annual income tax return kung saan ide-declare mo ang mga income mo mula sa iyong sweldo bilang empleyado at bilang isang entrepreneur. Ikaw na rin ang magbabayad ng income tax due mo on or before April 15 ng bawat taon.

May existing na business na rehistrado sa BIR. Kailangan pa ba ng bagong rehistro sa BIR?

Depende. Kung yung online selling mo ay parang means of advertising and marketing lang yung mga existing products or service mo na rehistrado, hindi mo na kailangan ng bagong rehistro. Siguraduhin mo lamang na kasama sa sales na ide-deklara mo yung mga nabenta mo online at hindi lang yung nabenta mo sa physical store mo. Ganun din yung expenses mo sa pagma-market o pagbebenta online tulad ng FB ads expense at delivery expense mo.

Pero, kung totally new business itong online selling sayo, kailangan mo irehistro ito. Halimbawa, barbero ka, at may barber shop ka, tapos online naisip mong magbenta ng mga kwentong barbero para hindi ma-bore ang mga tao habang nasa bahay, aba eh publishing business na yun! Online publishing ka na parang wattpad. Kailangan mo nang i-rehistro yan dahil hindi naman yan sakop ng negosyo mong barber shop.

Mayroon ka bang tips diyan para hindi malaki ang babayaran kong tax?

Maraming paraan para mapababa ang iyong tax na babayaran sa BIR. Heto ang ilan sa mga pwede mong gawin:

Tip no. 1: Dapat ina-account mo lahat ng income at expenses mo araw-araw. Dapat may mga supporting documents yang mga expenses mo tulad ng mga Sales Invoice, Official Receipts (OR), at Delivery Receipt (DR). Kasi hindi yan papayagan ni BIR na i-deduct mo sa taxable sales mo kung walang supporting documents din.

Tip no. 2: Gamitin ang depreciation expense para makabawas sa iyong tax payable. Baka may mga depreciable assets ka na ginagamit ngayon tulad ng laptop mo, cellphone, furnitures o sasakyan na ginagamit mo sa online business mo. Pwede mong kuhanan ng depreciation expense yan. Pero dapat may supporting documentation yan na binili mo nga yan para sa iyong online business (i.e., suportado pa rin ng Sales Invoice o OR).

Tip no. 3: Mag-enroll sa isang basic accounting o bookkeeping course para mas lumawak ang iyong kaalaman kung paano mo mama-manage ang iyong negosyo at ma-account nang maayos ang iyong mga transaksyon nang di mo na kinakailangan pa ng serbisyo ng isang accountant na dagdag gastos lang. Magkakaroon tayo dito sa Kasiopao ng isang basic bookkeeping online course kaya register ka na!

Yan muna mga Kasiopao. Kung may mga tanong ka, message ka lang sa FB page natin o comment ka lang sa post na ito.

***

About Kasiopao PH

Kasiopao PH aims to democratize education for Filipinos. It teaches Filipinos financial education, skill-building and entrepreneurship.


Leave a comment